Dentalcare logo
Diabetes

Diabetes at Kalusugan ng Ngipin at Bibig - Diabetes and Oral Health - Tagalog

Ang diabetes ay nakakaapekto sa iyong buong katawan kasama na ang iyong mga ngipin at gilagid. Mas matindi pa ang epekto kapag hindi nakokontrol nang mabuti ang iyong blood sugar, ginagawang mas mahirap labanan ang mga impeksyong dulot ng bacteria.

Kung hindi nakokontrol nang mabuti ang iyong mataas na blood sugar, maaari kang magkaroon ng mas maraming bacteria sa plaque kaysa sa karamihan ng mga tao. Mailalagay ka nito sa mas malaking posibilidad ng pagkakaroon ng mga problema sa kalusugan ng ngipin at bibig. Ang plaque ay malinaw na madikit na layer ng bacteria na naiipon sa mga ngipin. Kung hindi ito aalisin, maaari itong humantong sa pagkabulok ng ngipin at mga impeksyon, gaya ng sakit sa gilagid na gingivitis.

Ang gingivitis ay unang antas ng sakit sa gilagid. Nagmumula ito sa pagkakaipon ng plaque at tartar (calcified plaque) sa mga ngipin, sa kahabaan ng linya ng gilagid. Kung mayroon kang diabetes, mas mahirap para sa iyong katawan na kontrolin ang bacteria sa plaque. ito ang dahilan kaya 3 hanggang 4 na beses na mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa gilagid ang mga taong may diabetes.

Tiyaking magpatingin sa iyong dental professional kung mayroon ka ng alinman sa mga sintomas na ito:

  • Namumulang gilagid
  • Namamaga o masakit na gilagid
  • Gilagid na madaling dumugo

Diabetes at Periodontal na sakit

Kung hindi gagamutin ang gingivitis, maaari itong maging periodontitis. Mas malala itong anyo ng sakit sa gilagid. Sa paglipas ng panahon, dahil dito ay maaaring humiwalay ang iyong gilagid sa iyong mga ngipin, dahilan para maging mauga ang mga ngipin.

Maaari ding makaapekto ang hindi magandang kalusugan ng ngipin at bibig sa diabetes. Kung mayroon kang impeksyon tulad ng gingivitis o periodontitis, makakaapekto ito sa iyong blood sugar. Kaya naman mahalagang magsagawa ng mga gawi para sa maayos na pangangalaga sa ngipin sa bahay at gumamit ng toothpaste at mouthwash na dinisenyo para labanan ang plaque at gingivitis – nakakatulong ang mahusay na pangangalaga na protektahan ang kalusugan ng iyong ngipin at bibig, pati na rin pamahalaan ang iyong diabetes.